MENU

 Upang mas palakasin ang industriya ng marmol sa Romblon, inilatag ng Department of Science and Technology (DOST) - MIMAROPA ang pagbibigay ng iba’t ibang makabagong teknolohiya upang mas mapabilis at gawing tiyak ang produksyon nito.

Sa isang panayam sa Radyo Siyensya, ibinahagi ni Dr. Bernardo N. Cepeda, regional director, DOST-MIMAROPA, na sasagot sa mga suliraning pamproduksyon ng marmol ang iba’t ibang makabagong teknolohiyang hatid ng kagawaran upang mas mapagbuti ang ‘natural heritage industry’ ng probinsya.

Sa tulong ng ating mga eksperto sa teknolohiya, nais nating bigyan ng pagkakataon ‘yung mga artisan [ng marmol] natin na makagamit ng mga makabagong teknolohiya,” pagbabahagi ni Cepeda.

Sa ilalim ng programang Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP ng kagawaran, nabigyan ng tulong teknikal at access sa teknolohiya ang mga lokal na manggagawa ng marmol sa Romblon na pangunahing ginagamit sa paglililok at packaging ng produkto.

Kabilang dito ang pagbili ng mga kagamitan kagaya ng mechatronics at robotic arms para sa produksiyon at pag-aangkop ng artificial intelligence (AI) sa pagdidisenyo ng mga lilok.

Dagdag pa rito, nakatulong din ang programa upang magkaroon ng access sa iba pang kagamitan gaya ng lathe machine, cutting machine, at moto tools (ano ito) na siyang mga pangunahing kagamitan ng ating mga marble artisans.

Bagaman nakatuon sa makateknolohiyang produksyon, iginiit naman ni Lyn F. Fruelda, project lead ng SETUP Romblon, na hindi nito papalitan ang tradisyonal na pamamaraan ng pag-uukit ng marmol.

“Kasi parte na ito ng aming sining, pagkakakilanlan, kaugalian. Ang layunin namin ay ipakilala na mayroon din tayong alternatibong teknolohiya para i-improve ‘yung quality [ng ating produkto] para makasabay tayo sa [current market],” saad ni Fruelda.

Ibinahagi rin ni Romblon Marble Industry Council (RMIC) General Manager Myrna Bien Silverio na tutugon ang mga makabagong teknolohiyang ito sa mabilis at epektibong produksyon, partikular sa tiyak na kalidad at volume.

Gamit ang mga ito, isasalang na lang ang mga raw materials ng marmol sa makinarya na awtomatiko nang mag-uukit na umaayon sa consistency, mas maraming bilang, at reproducibility.

“Kung noon natatanggihan namin sila because we cannot meet their demands, ngayon dahil sa pagpasok ng latest technologies sa industriya, umasa kayo na ang inyong order sa amin ay [good] quality,” pagbibigay-diin ni Silverio.

Sinususugan ng inisyatibang ito ang itinalagang roadmap ng DOST-MIMAROPA ukol sa ‘Sustainable and Globally Competitive Future’ ng Romblon Marble Industry, mula 2025 hanggang 2035.

Bilang bahagi ng hakbangin sa pagpapayabong ng legasiya ng “Marble Capital of the Philippines,” itinatag nito ang RMIC na binubuo ng iba’t ibang industry partners, state universities/colleges, mga ahensya tulad ng DOST, Department of Trade and Industry, at Department of Development, kasama rin ang lokal na pamahalaan ng Romblon.

Sa kasalukuyan, ibinahagi rin ni Dir. Cepeda na mayroon nang pondo upang maglunsad ng laboratoryo, Marble Center, na nakatuon sa mga pananaliksik ukol sa industriya, produkto, inobasyon, at by-products upang tumugon din sa ‘circular economy’ ng bansa.

Bukod pa rito, magtataguyod din ang DOST-MIMAROPA ng blockchain mechanism sa lokal na industriya upang malagyan ng traceability ang mga produktong gawa ng Romblon, alinsabay sa mga pagsasanay ng mga manggagawa.

Dito na sa Romblon natin gawin ‘yung lahat ng nasa supply chain ng marble para tayo na mismo ‘yung mag-e-export. [Pero] kailangan pang [magsanay ang ating industry] at definitely DOST will be at the forefront,” saad ni Cepedahg. (Ni Karl Jerome M. del Mundo, DOST-STII)

 

 

Pin It