
Sa pamamagitan ng iba’t ibang mga proyektong hatid ng Department of Science and Technology o DOST, umaarangkada ang munisipalidad ng Pasacao, Camarines Sur na tinaguriang ‘Summer Capital of Bicol’ patungo sa pagiging ‘Green City of the South.’
Inilahad ni DOST Bicol Regional Director Rommel R. Serrano, sa isang panayam sa Radyo Siyensya, na nakatuon ang Pasacao sa paggamit ng mga hakbangin at inisyatibang nakatuon sa prinsipyo ng ‘green city’ upang tugunan ang mga lokal na suliranin.
“Ang ating ginagamit na mga solusyon para sa ating mga [problema sa komunidad] ay maaaring nakaangkla sa paggamit ng science and technology. [...] Nand’yan po ang iba't ibang programa ng DOST na nakadisenyo para sa iba't ibang aspeto ng komunidad,” pagbabahagi ng direktor.
Tinutukoy na ‘green city’ ang lungsod o munisipalidad na nakadisenyo upang mapababa ang mga panganib sa kapaligiran habang itinataguyod ang kapakanan ng lipunan, sustainability, at kahandaan sa banta ng climate change.
Sinusugan ito ng iba’t ibang mga inisyatibang isinasagawa sa Pasacao gamit ang tulong ng mga platapormang pinangungunahan ng DOST Bicol Region gaya ng Innovation, Science, and Technology for Accelerating Regional Technology-based Development o iSTART.
Una na itong inimplementa noong 2021 upang palakasin ang mekanismo sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga lokal na industriya nito sa interbensyon ng technology transfer ng DOST.
Para sa inisyatibang ito, katuwang ng DOST Bicol Region at LGU Pasacao ang limang state universities/colleges o SUCs sa rehiyon na tumutulong na naaayon sa kanilang kadalubhasaan.
Kabilang dito ang University of Nueva Caceres, Partido State University (PSU), Camarines Sur Polytechnic College (CSPC), Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA), at Bicol State College of Applied Sciences and Technology (BISCAST).
Nakatutok ang pagtataguyod ng mga pananaliksik ang PSU sa pagpo-proseso ng isda na karaniwang produkto ng kanilang munisipalidad, samantalang nakapokus sa rehabilitasyon ng mga river habitats ang CBSUA gamit ang bioengineered vetiver ng bakawan.
Samantala, alinsabay sa pagpapatayo ng kauna-unahang “green building” municipal hall sa rehiyon ng Bicol, pinangungunahan ng BISCAST ang pagtataguyod ng arkitektura ng naturang gusali at ang CSPC naman sa ‘e-governance initiative’ ng munisipalidad o digitalization ng mga proseso.
“Ang green municipal hall ay ‘di lang design for climate resilience, ang purpose natin dito ay maging ehemplo ng innovation at green initiatives. [...] Considering ‘yung positive impact nito, sana mag-inspire ito sa ating karatig-bayan at gumawa rin ng kaparehong hakbang,” saad niya.
Bukod pa rito, nakaangkla rin ang rehiyon sa mga proyektong bunga ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) na nagpapalakas ng mga grassroots at sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) communities.
Isa na rito ang water desalination facility na nagbibigay ng mas aksesableng malinis at ligtas na inuming tubig sa Barangay Tinalmud, isang coastal na barangay sa Pasacao.
“Hindi na kailangan tumawid ng dagat at gumastos ng 40-65 pesos para lang sa inuming tubig. Nakatatulong na po ito ngayon [upang] maging self-sufficient ang ating barangay,” pagbabahagi ni Pasacao Mayor Niño A. Tayco.
Nakatanggap din ang Pasacao ng pasilidad para sa Project Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry (SARAi) para sa mas pinahusay na pagsasaka, multipurpose solar drying trays (PORTASOL) para sa pagtutuyo ng palay at isda, at offline digital library na Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated Kiosk Stations (STARBOOKs).
“Mas kailangan nating palakasin, pabilisin, at lalong-lalo ang mga serbisyo para sa mga tao [at] sa komunidad, sa pamamagitan sa tulong ng [agham] at teknolohiya,” dagdag ng mayor.
Sa kasalukuyan, inaasahan ng Pasacao ang implementasyon ng Smart and Sustainable Communities Program upang matutukan ang ‘urban livability’ rito matapos ang integrasyon ng mga smart technology sa komunidad. (Ni Karl Jerome M. del Mundo, DOST-STII)











