Ilalahad ni Philippine Coconut Authority Administrator Romulo Arancon, Jr. ang mga plano ng gobyerno upang masugpo ang Coconut Scale Insect o cocolisap sa isang forum bukas, Hulyo 26, na pinamagatang “Niyog ni Juan, Huwag Pabayaan nang Kasaganaan ay Makamtan” sa SMX Convention Center sa Mall of Asia, Pasay City. Ito ay bahagi ng taunang pagdiriwang ng National Science and Technology Week mula Hulyo 24-28 sa pangunguna ng Department of Science and Technology.
Ang nasabing forum ay dadaluhan ni dating Senador Francis Pangilinan na ngayon ay Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization.
Matatandaan na ang cocolisap ay isang mapamuksang sakit na dulot ng insektong Aspidiotus sp. na umaatake sa mga puno ng niyog at iba pang mga puno. Ito ay nagdudulot ng paninilaw ng mga dahon at panunuyo na siyang sanhi ng tuluyang pagkamatay ng puno at nagdudulot ng mababang produksyon at kita ng mga magsasaka ng niyog.
Ito ay unang naitala sa tatlong barangay sa Tanauan City, Batangas noong 2010 at tuluyang lumawak sa mga kalapit na probinsiya. Sa kasalukuyan, maraming puno ng niyog sa CALABARZON region at maging sa ilang bahagi ng Mindanao ang apektado ng sakit na ito.
Ang niyog ay isa sa mga pangunahing produkto ng Pilipinas. May higit 3.5 milyong magsasaka ng niyog sa Pilipinas at ito ay nagdadala ng humigit kumulang 2 bilyong dolyar na kita para sa bansa kung kaya’t ang suliranin ng cocolisap ay nangangailangan ng kaukulang pansin.
Ang Department of Science and Technology ay isa sa mga ahensiya na nangunguna sa mga programa upang matugunan ang problema sa cocolisap sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo sa iba’t ibang uri ng pag-aaral at pananaliksik upang makatuklas ng makabagong teknolohiya laban sa cocolisap.
Ang nasabing forum na magsisimula ng ala-una ng hapon ay libre at bukas sa publiko hindi lang sa mga magsasaka at mga nagtatanim ng niyog. Itatalakay din sa nasabing forum ang teknolohiya ng Coconut Somatic Embryogenesis at kung paano at saan makakakuha ng mga panimulang materyales sa pagtatanim ng niyog. (S&T Media Service)