Sa ika-2 ng Hunyo 2021 ay sisimulan na ng Department of Science and Technology Regional Office I (DOST-I) ang Phase 1 ng Innovations for Filipinos Working Distantly from the Philippines o iFWD PH program.
Sa naturang bahagi ng programa ay tututukan ang capacity building at pangangasiwa ng technology-based ventures ng mga Overseas Filipino Workers o OFW at kanilang pamilyang kabilang sa programa.
Sila ay bibigyan ng Core Development sessions na binubuo ng virtual lectures na makatutulong sa kanila sa pag-conceptualize ng kanilang business proposals na naaayon sa teknolohiya. Katuwang ng DOST-I ang Entrepinoy Volunteers Foundation, Inc. (EVFI) sa pagsasagawa ng virtual learning sessions.
Dalawampu’t limang OFW-participants ang lalahok sa programa na binubuo ng labindalawang kalahok mula sa Ilocos Norte, dalawa mula sa Ilocos Sur, walo sa Pangasinan, at tatlo mula sa probinsya ng La union. Karamihan sa mga kalahok na OFWs ay kabilangsaindustriya ng engineering, ICT & electronics, at furniture.
Kasama ng DOST-I ang Overseas Workers Welfare Administration – Region 1 (OWWA-Region 1) at ang mga lokal na pamahalaan ng Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, at Ilocos Norte sa pagsasagawa ng naturang bahagi ng programa na tatagal hanggang ika-16 ng Hulyo 2021.
Bilang paghahanda sa nasabing capacity building at core development sessions ng programa ay nagsagawa kamakailan ang DOST-I ng ‘TeknoLokal para sa Makabagong Bayani,’ na isang serye ng virtual technology pitching session kung saan ipinakita ng iba’t ibang Planning Sectoral Councils at Research and Development Institutes or RDIs ng DOST ang mga teknolohiyang maaaring i-adopt at i-commercialize ng iFWDPH beneficiaries. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII)