MENU

Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII

Photo source: UP Manila The Health Science Center

Sa kanyang pagtanggap ng Orden of National Scientist Award, hindi aakalain na sa likod ng magandang postura at makinang na ngiti ni Academician Carmencita D. Padilla ang ilang dekadang paglinang sa kakayahan at pagpapabuti sa serbisyo sa larangan ng new born screening at genomics na nag-akyat sa kanya bilang ika-43 na National Scientist ng bansa. Ito ay itinuturing na pinakamataas na pagkilala sa isang tao sa larangan ng siyensya sa Pilipinas na itinatag ng National Academy of Science and Technology Philippines (NAST PHL) noong 1976.

Ang Ikigai ay isang konsepto mula sa Japan na tumutukoy sa masusing pagkilala sa sarili kung saan masayang ginagawa ng isang indibidwal ang mga aktibidad kung saan siya ay magaling (passion), ano ang maiaambag niya sa pangangailangan ng mundo (mission) at pag-uugnay ng passion at mission sa kanyang propesyon at bokasyon na tumutugon sa pang araw-araw na pangangailangan.

Ayon, sa mga hapon, ang pagtuklas ng ikigai ang susi sa mahaba at masayang pamumuhay. Malayo man ito sa personal na hugot ni Dr. Padilla, maiuugnay naman ito sa kanyang mga karanasan tungo sa mga matagumpay na inisyatibo sa siyensya at teknolohiya.

Isang dalubhasang manggagamot

Sa murang edad ay malinaw na kay Dr. Padilla ang nais na propesyon. Pre-medicine ang kinuha niyang kurso sa University of the Philippines Diliman kung saan siya ay nagtapos bilang cum laude noong 1976. Ipinagpatuloy naman niya ang pag-aaral ng Doctor of Medicine sa University of Manila kung saan hinirang siya bilang outstanding graduate.

Dahil sa angking kahusayan sa akademya, hindi kataka-takang nabiyayaan siya ng oportunidad na makapag-aral sa ibang bansa upang makipagsabayan sa global na pagsasanay. Noong dekada nobenta, tinapos ni Dr. Padilla ang kanyang espesyalisasyon sa clinical genetics sa Royal Alexandra Hospital for Children sa Sydney, Australia. Sa pagsapit ng bagong siglo, kumuha siya ng M.A. in Health Policy Studies sa UP Manila noong 2005 upang matuto sa paggawa ng mga polisiyang makakapagpaunlad sa sistemang pangkalusugan ng bansa.

Photo source: lifecell

Kasangga sa pagsulong ng mga batas pangkalusugan

  • Newborn Screening Act of 2004

Sa Pilipinas, pumangatlo ang congenital diseases sa mga sanhi ng pagkamatay ng mga sanggol. Isa ito sa mga suliraning pangkalusugan na kinaharap ng bansa noong 1996 hanggang sa early 2000s ayon sa datos ng Department of Health. Ang pagkakaroon ng lamat sa labi at ngalangala o cleft lip and palate, clubfoot, luslos o hernia, sakit sa puso, pagkabingi, at down syndrome ay uri ng congenital diseases ayon sa World Health Organization (WHO).

Sa pamamagitan ng newborn screening tests sa dugo, puso, at pandinig ay malalaman ang presensya ng sakit upang maagapan ito ng maaga sa tamang gamutan at pamamaraan.

Sa larangan ng clinical genomics, ang pananaliksik ni Dr. Padilla sa newborn screening ang nagsulong upang maisabatas ang Republic Act of 9288 o Newborn Screening Act of 2004. Layunin ng batas na ito na ipatupad sa mga ospital, pampubliko man o pribado, ang screening sa mga bagong panganak na sanggol. Dito malalaman kung sila ay nagtataglay o posibleng magtaglay ng genetic at metabolic disorders na maaring magdulot ng mental retardation. Sa kasalukuyan, mayroon ng higit sa 7,400 na ospital o healthcare facilities ang sumasailalim sa programa.

  • The Rare Disease Act of 2016

Bilang founding chair ng Philippine Society for Orphan Disorders, kasangga ni Dr. Padilla ang mga youth leaders for health sa pangangalap ng 500,000 na pirma upang maipasa ang “Rare Diseases Act of the Philippines” o Republic Act No. 10747. Layunin ng batas na ito na mabigyan ng komprehensibong panggagamot sa pasyenteng may mga hindi pangkaraninwang sakit gaya ng muscular dystrophy, pulmonary hypertension, epilepsy, cystic fibrosis at Angelman syndrome.

Hindi lamang sinasaklaw ng batas ang panggagamot sa mga rare diseases, ito rin ay makapagbibigay ng oportunidad sa pag-aaral. Ngunit, ang pagkakaroon ng coverage at access sa insurance ay maituturing kong malaking tagumpay” ani Dr. Padilla sa isang panayam ng The Washington Diplomat. Sa kanyang pakikipagtulungan sa DOH, nabuo ang Integrated Road Map for Rare Diseases for 2022-2026. Napapanahon dahil opisyal na napondohan ang batas noong 2022, anim na taon matapos itong maipasa.

Kaagapay sa pagtatag ng Philippine Genome Center

Kabilang si Dr. Padilla sa komite na nagtatag ng Philippine Genome Center (PGC) na sumasailalim sa sistema ng Unibesidad ng Pilipinas. Ang PGC ay isang multi-disciplinary institution kung saan mayroong mga nakalaang laboratoryo para sa pagsasagawa ng DNA sequencing, bioinformatics, protein, proteomics, and metabolomics, clinical genomics, at biobanking. Malaki ang papel ng PGC sa pagtuklas at pagpapabuti ng mga uri o barayti ng pananim lalo na ang mga staple at export crops na makakatulong sa ekonomiya ng Pilipinas. Ito rin ay isang teknikal na pasilidad para sa pag-debelop ng mga gamot at vaccines na naging mahalaga sa paglaban sa COVID-19.

Photo source: DOST Philippines

Isang lider at inspirasyon

Dahil sa ipinamalas na husay at etika ni Dr. Padilla sa kanyang serbisyo, ay ipinagkatiwala sa kanya ang pamumuno ng iba’t-ibang institusyon at organisasyon. Bukod sa pagiging executive director ng Philippine Genome Center, pinamumunuan din niya ang Newborn Screening Reference Center ng National Institutes of Health (NIH) Philippines at Institute of Health Innovation and Translational Medicine of the Philippine California Advanced Research Institutes. Siya rin ang kasalukuyang chancellor ng University of the Philippines Manila at miyembro ng NAST PHL mula noong 2008 bilang Academician ng Health Sciences Division

Parang hindi hanggang langit lang ang mga tala para kay Dr. Padilla. Bunga ng pagsisikap at dedikasyon sa tungkulin ay nagtamo siya ng mahahalagang pagkilala sa kanyang mga kontribusyon sa larangan.

Noong 2013, nahirang siya bilang isa sa 100 Most Influential Filipina Women in the World ng isang US-based Female Women’s Network. Siya rin ay mayroon ng higit sa 100 na publications na kinabibilangan ng orihinal na pananaliksik, chapter sa teksbooks, mga artikulo sa pahayagan at magasin, at training modules na nagtatawid ng mga mahahalagang impormasyon na mapapakinabangan ng industriya at ng mamamayang Pilipino.

Siya si Dr. Carmencita D. Padilla, ang ating ika-43 na National Scientist, isang inspirasyon para sa mga nagsusumikap na kababaihan sa siyensya at teknolohiya.

Pin It