MENU

ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII

Larawan mula sa Pexels

Ano-anong bagay ba ang gusto mong gawin sa ‘summer’? Siguro planado na ang swimming at rides kasama ang mga kaibigan. Nakapamili ka na siguro ng mga preskong damit o kaya ay nagpa-planong kumaiin ng halo-halo o homemade ice cream habang ka-bonding ang pamilya o special someone.

Talaga nga namang it feels like summer sa islang pantropiko! Kasing taas ng sikat ng araw ang ngiti sa mga masasayang aktibidad na maari nating gawin sa tag-araw.

Ano man ang trip nating gawin sa mainit na panahon, mahalagang pagtuunan pa rin ng atensyon ang ating kalusugan. Kaya naman, narito ang mga tips at kaalaman mula sa Department of Science and Technology na magbibigay sa atin ng gabay!

Larawan mula sa Pexels

Summer na… totoo kaya?

Alam ba ninyo na hindi talaga nakararanas ng summer ang Pilipinas? Ayon sa DOST- Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang four seasons ay nararanasan lamang ng mga bansang may kainaman ang panahon gaya ng mga bansa sa hilagang asya (Northern Asia), Europa, Amerika, at Australia.

Bagkus, ang Pilipinas ay mayroon lamang dry season o tag-araw at wet season naman o tag-ulan. Sa pag-alis ng hanging amihan (northeast monsoon) ay siya namang pag-uumpisa ng tag-araw na karaniwang nag-uumpisa sa buwan ng Marso at inaasahang magtatapos sa buwan ng Mayo.

Ngunit huwag kang mag-aalala! Wala rin namang problema kung gagamitin ang summer upang tukuyin ang pakiramdam at karanasan na namumuo sa isipan tuwing kapanahunan.

Anim na ‘summer’ diseases, paano iwasan?

Mayroong anim (6) na karaniwang sakit ang maaring maranasan sa tag-araw, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) na siyang nangunguna sa pagbibigay ng payong pangkalusugan sa mamamayan.

Una na riyan ang sore eyes o pamamaga ng mata. Ayon sa experto, isagawa ang tamang paghuhugas ng kamay at konsultasyong pangmedikal bago bumili ng eye drops o kahit anong gamot upang hindi ito mauwi sa pagkabulag. 

Sunod naman ay ang sunburn. Maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng pag-iwas sa outdoor activities mula alas diyes ng umaga hanggang alas-dos ng hapon. Sa ganitong oras ay mas mainam na sumilong muna sa malilim na lugar. Ugaliin ring gumamit ng sunscreen na may sun protection factor (SPF) na hindi bababa sa 30.

Upang protektahan din ang ating balat mula sa pagkasunog, karagdagang payo ang pag-iwas sa paglangoy sa maduduming katubigan na makapagbibigay ng sakit sa balat. Huwag ring kakalimutan ang maligo at magsabon bago lumusong at pagkatapos lumangoy sa pampublikong swimming pool.

Larawan mula sa Pexels

Pangatlo ay ang ubo at sipon na maaring maiwasan sa pamamagitan ng malinis at maayos na pangangalaga ng ating katawan.

Makatutulong ang pagsasama sa diyeta ng gulay at prutas upang maging malakas ang ating resistensya. Nakatutulong rin ang pag-inom ng bitaminang may ascorbic acid o multivitamins at pag-inom ng walong basong tubig o higit pa kung kinakailangan sa isang araw. Inaanyayahan rin ang patuloy na paggamit ng face mask at hand sanitizer sa tuwing nasa pampublikong lugar at sa tuwing nakikisalamuha sa maraming tao.

Pang-apat sa listahan ay ang pag-susuka dulot ng heat exhaustion. Nangyayari ang pag-susuka buhat ng pagtaas ng temperatura ng ating katawan. Nararapat na iwasan ang pananalagi sa maiinit o maalinsangang lugar. Makatutulong ang pagsusuot ng manipis na damit o iyong maiksi ang mangas at pag-inom ng maraming tubig upang ma-relax ang pangangatawan.

Panglima ay ang diarrhea o pagtatae. Nagiging aktibo ang mga mikroorganismo sa tuwing mainit ang panahon na siyang dahilan upang mapadali ang pagkasira ng mga pagkain.

Bunsod ito ng hindi malinis na pagkakagawa, pagkakaluto, at pagkakasalansan ng pagkain. May nakaambang panganib rin sa pagkain ng shellfish dahil talamak ang red tide tuwing tag-init. Maaaring magtae at malason ang makakain ng mga pagkaing ito. Para sa mga anunsyo ng insidente ng red tide, bisitahin lamang ang mga social media account ng DOST-PAGASA.

Upang maiwasan naman ang hindi kanais-nais na pangyayari, siguraduhin na malinis ang ating mga kamay at kagamitan sa pagluluto upang hindi makontamina ang pagkain. Maaaring iwasan muna ang paglalagay ng mga sangkap na madaling masira gaya ng kamatis at krema. Kung wala namang refrigerator, maaring lagyan ng suka ang mga lulutuin upang humaba nang kaunti ang shelf life nito.

Ang panghuli sa listahan ay ang rabies. Sa mainit na panahon, lumalaganap ang panganib sa rabies. Kaya naman pinapayuhan ng mga eksperto ang agarang pagpapagamot sa mga nakagat ng alagang hayop at ang pagpapaturok ng ng anti-rabies vaccination sa mga alagang hayop tulad ng aso at pusa.

Samantala, maaaring maging basehan ang mga datos sa rabies transmission at control measures sa Davao City sa pamamagitan ng Rabcast forcasting tool na proyekto ng University of the Philippines- Mindanao at suportado ng DOST-PCHRD.

Kalma, kalma, mag-prutas ka!

Kung ang ibig mo ay malamig na softdrinks, ice scramble, o buko-pandan, dapat mo lang kalmahan! Baka kasi sa diyabetis naman mauwi iyan.

Maraming mga dayuhan ang pumaparito sa Pilipinas hindi lamang para sa magagandang dagat at tanawin. Kasama na sa kanilang listahan ang kumain ng pinoy delicacies at ng ating mga prutas gaya nalang ng manga, papaya, chico, pinya, melon, at pakwan at marami pang iba.

Ayon sa DOST-FNRI, mahalaga ang pagkain ng prutas dahil nakapagbibigay ito ng vitamins at minerals na nagsisilbing enerhiya at nakapagpapalakas ng ating resistensya laban sa mga sakit. Nagtataglay rin ng dietary fiber ang mga prutas na nakatutulong sa regular na pagdumi at pagbabawas ng timbang. Bukod dito, bumababa rin ang presyo ng mga prutas tuwing tag-araw.

Depende sa iyong gusto, may iba’t-ibang paraan kung paano ihanda ang prutas. Maaari itong hiwain at ipalamig bago kainin. Maaari rin naman itong gawing fruit salad o fruit popsicles. Imbes na tsitsirya, pupwede mong i-vaccum dry ang pinya at mangga para maimbak at gawing miryenda sa hapon. Maari rin itong i-blender at gawing natural fruit shake na pamatid-uhaw sa mainit na panahon.

Ano-anong bagay ba ang gusto mong gawin ngayong tag-araw? Sana ay matulungan ka nitong mga DOSTips at kaalaman na kay dali lamang sundan. Ano man ang panahon, napakaimportanteng isama sa listahan ang kalusugan para tuloy-tuloy lang ang kasiyahan. #

Pin It