Ni Claire Bernadette A. Mondares, DOST-STII
Iba’t-ibang mga trabaho at oportunindad sa larangan ng siyensya pang-komunikasyon o science communication ang ibibida ng Department of Science and Technology-Science and Technology Information Institute (DOST-STII) sa nalalapit na pagbubukas ng 2024 National Youth Science, Technology, and Innovation Festival o NYSTIF.
Sa forum na pinamagatang “Kwentuhan with SciComm Idols”, sa ilalim ng programang Science Journo Ako, tatalakayin ang mga naging karanasan at inspirasyon ng ilan sa mga kilalang manunulat sa bansa, at kung paano sila nahikayat sa larangan ng siyensya pang-komunikasyon.
Ayon sa DOST-STII, sa pamamagitan ng Communication Resources and Production Division nito, layon ng isasagawang talayakan na makahikayat pa ng mas maraming mag-aaral na tahakin ang larangan ng siyensya pang-komunikasyon.
Ang mga ekspertong ibibida sa talayakan ay ang mga nagsisilbing tagapagsalita sa mga panayam at pagsasanay na isinasagawa ng Science Journo Ako advocacy program.
Adbokasiya ng Science Journo Ako
Ang Science Journo Ako ay programang pang-adbokasiya na inilunsad ng DOST-STII noong 2015 na may layong magbigay ng libreng serbisyo sa pagsasanay ang mga batang manunulat sa bansa.
Isa lamang ang talakayang ito sa mga aktibidad na inihanda ng DOST para sa muling pagbubukas ng NYSTIF ngayong taon.
Sa temang, “STEM VIBE: Engaging Youth in Providing Solutions and Opening Opportunities”, ang 2024 NYSTIF ay magsisilbing oportunidad upang ipakita ang iba’-ibang proyekto at programa ng kagawaran.
Ang 2024 NYSTIF ay bukas sa publiko, lalo na sa mga kabataang nais maging bahagi ng selebrasyon ngayong taon.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang NYSTIF Facebook Page sa www.facebook.com/nystif.dost at website sa www.nystif.dost.gov.ph. (30)
#2024NYSTIF #NYSTIF #ScienceFestival #OneDOST4U #STEM #VIBE #ScienceForThePeople