MENU

Isang proyektong naglalayong tugunan ang pangangailangan sa epektibong kagamitan sa pagbabahagi ng impormasyon ngayong panahon ng pandemya lalo na sa mga liblib na lugar sa Pilipinas na walang internet access, ay ibinahagi ng Department of Science and Technology- Advanced Science and Technology Institute (DOST-ASTI).

Ito ay ang tinawag na RuralSync Project na layunin na pag-aralan ang gamit ng iba’t ibang wireless technologies na base sa TV broadcast signal at sa pagdagdag ng kaalaman sa educational electronic materials at iba pang multimedia content sa malalayo o liblib na lugar.

Ang proyekto ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte sa DOST na magsaliksik ng iba’t ibang paraan kabilang na ang mga hindi nagagamit ng TV frequency upang masuportahan ang online learning ngayong panahon ng pandemya, lalo na sa mga lugar na wala o lubhang mabagal ang internet connection.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pagbuo ng RuralSync Receiver Prototype na isang murang uri ng Integrated Services Digital Broadcasting-Terrestrial (ISDB-T) receiver na maaaring isaksak sa isang single board computer o computer upang makatanggap ng digital TV signals na may audio at video at may naka-embed na file o data.

Pin It