MENU

Ang mga bahaging maaari pang isalba o mapakinabangan sa isang end-of-life vehicle o ELV, tulad ng sikat na ‘jeepney’, ay maaari nang tukuyin sa tulong ng recyclability index.

Sa ilalim ng proyektong "Recycling and Recyclability Index for End-of-Life Jeepneys” na pinondohan ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development o DOST-PCIEERD at kasalukuyang isinasagawa ng University of Asia and the Pacific-School of Social Engineering (UA&PSSE), nadebelop ang isang rating system na maaaring kwentahin ang recyclability at recovery ng vehicle components o mga parte ng isang sasakyan.

Ang naturang rating ay una sa buong bansa at sumusuporta sa Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP ng pamahalaan.

Ayon sa nasabing pag-aaral, natukoy na maaaring umabot sa P30,000.00 ang halaga nang dismantled o nakalas na na bahagi o components ng jeepney model at hindi pa kasama rito ang makina.

Upang mas higit na mapataas ang halaga at mapakinabangan ang kinalas na mga parte ng isang ELV-Jeepney, isang preliminary feasibility study ang isinasagawa na nagmumungkahi sa pagtatayo ng isang scrappage facility sa loob at paligid ng Greater Metro Manila na siyang mangangasiwa sa proseso ng pagtatanggal ng mga naturang parte ng sasakyan.

Inirekomenda rin ng mga mananaliksik ang pagtatayo ng mas malaking scrappage facility na maaari namang pangasiwaan ng regional consortium of junk shop owners.

Ang iba pang resulta ng pag-aaral ay nauna namang ibinahagi sa Department of Transportation (DoTR) – Road and Infrastructure Sector na siyang direktang nangangasiwa sa PUVMP.

Pin It